Hulyo 27, 2025 | Pasig City

Maagang nagtipon ang mga miyembro ng Catholic Elderly and Grandparents Association of the Philippines – Diocese of Pasig upang sama-samang ipagdiwang ang ika-5 Pandaigdigang Araw ng mga Lolo’t Lola at mga Nakatatanda noong Hulyo 27, 2025.
Nagsimula ang pagdiriwang sa isang motorcade ganap na 6:00 ng umaga, mula sa Pasig Catholic College patungong Sta. Clara de Montefalco Parish, na siyang naging sentro ng mga gawain. Sinundan ito ng isang Banal na Misa ganap na 7:00 ng umaga na pinangunahan ni Most Rev. Mylo Hubert C. Vergara, D.D., Obispo ng Diyosesis ng Pasig, kasama sina Rev. Fr. Nelson Oslorio, OSJ at Rev. Fr. Darwin Calderon.
Sa kanyang homiliya, ibinahagi ni Bishop Mylo ang mensahe ng Santo Papa para sa ika-5 World Day of Grandparents and the Elderly na may pamagat na “Blessed are those who have not lost hope” (cf. Sir 14:2). Binigyang-diin niya na ang pag-asa ay dapat manatiling buhay sa puso ng bawat nakatatanda, anuman ang kanilang edad o kalagayan sa buhay.
Ayon sa mensahe ng Santo Papa na isinalarawan ni Bishop Mylo, ang mga matatanda ay mga saksi ng pag-asa—tulad nina Abraham, Sarah, Moises, at iba pang tauhan sa Bibliya na ginamit ng Diyos sa kanilang katandaan upang isakatuparan ang Kanyang plano. Binanggit rin niya na sa kabila ng pisikal na kahinaan, ang matatanda ay may natatanging kakayahang magdasal, magmahal, at magbigay patotoo sa pananampalataya.
Hinimok rin ni Bishop Mylo ang lahat ng mananampalataya na yakapin at alagaan ang mga nakatatanda sa ating mga komunidad, lalung-lalo na ang mga nakararanas ng kalungkutan at pag-iisa. Binigyang-diin niya na ang pagdalaw at paglalaan ng oras sa kanila ay hindi lamang simpleng gawaing panlipunan kundi isang banal na paglalakbay kay Kristo na naroroon sa mga nakatatanda.
Ang pagdiriwang ay nagtapos sa masigabong pasasalamat ng mga lumahok, dala ang mensahe ng bagong pag-asa, pagpapahalaga sa mga matatanda.
