TRIGO BA TAYO O DAMO?
Inspirasyon para sa Hulyo 19, 2026, Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon
ni Pd. Lito Jopson
BASAHIN: Karunungan 12:13, 16–19 | Roma 8:26–27 | Mateo 13:24–43 (o 13:24–30)
“Ang tunay na pagkatao natin ay mahahayag sa panahon ng anihan—trigo ba tayo o damo?”
Sa talinghaga ni Hesus, magkasamang lumaki ang trigo at ang damo. Habang bata pa ang mga ito, halos hindi sila mapagkaiba. Ngunit sa pagdating ng anihan, malinaw na makikita kung alin ang may bunga at alin ang walang kabuluhan.
Ganito rin ang ating buhay pananampalataya. Minsan iniisip nating tama na ang ating ginagawa, sapat na ang ating relihiyosong gawain, o mabuti na tayong tao. Ngunit ang tunay na tanong ay hindi kung ano ang ating ipinapakita sa labas, kundi ano ang bunga ng ating buhay? Ang trigo ay namumunga at nagbibigay-buhay; ang damo ay nananatiling baog at sa huli ay itinatapon.
Hindi naman tayo agad hinahatulan ng Diyos. Sa halip, Siya ay isang matiyagang magsasaka na nagbibigay ng panahon upang tayo ay lumago, magbago, at mamunga. Ang Kanyang habag ay pagkakataon upang ang ating pananampalataya ay maging mas malalim at ang ating buhay ay maging mas mabunga.
Pagninilayan natin:
1. Pahintulutan ang Diyos na magtiyagang mag-alaga sa atin.
Hindi tayo sinusukuan ng Diyos. Sa bawat pagkakamali, binibigyan Niya tayo ng pagkakataong magsisi, magbagong-buhay, at muling tumubo sa Kanyang biyaya.
2. Patibayin at palalimin ang ating pananampalataya.
Tulad ng trigo, kailangang lumalim ang ating ugat sa panalangin, Salita ng Diyos, at mga sakramento upang manatili tayong matatag sa gitna ng mga pagsubok.
3. Mamunga ng mga gawang nagmumula sa pag-ibig.
Hindi ang ating mga salita o anyo ang magpapakilala kung sino tayo, kundi ang ating mga bunga—pagmamahal, pagpapatawad, paglilingkod, katapatan, at kababaang-loob. Ang mga bungang ito ang magsasabi na tayo nga ay trigo ng Diyos.
Panalangin
Panginoon, salamat sa Iyong walang sawang pagtitiis at pag-aaruga sa akin. Huwag Mong hayaang manatili akong baog sa pananampalataya. Palalimin Mo ang aking ugat sa Iyo at pagyamanin Mo ang aking buhay ng mabubuting bunga. Sa pagdating ng anihan ng aking buhay, nawa’y matagpuan Mo akong tunay na trigo na handang ialay ang aking sarili para sa Iyong kaharian. Amen.
#GoodNews, #SalitangDiyos, #Bibliarasal, #biblestudy, #DioceseOfPasig
